Thursday, November 10, 2016

Ang Pinagpala

ABOT-TENGA ang ngiti sa mga labi ni Aling Teresa nang masorpresa siya sa pagdating ng kaniyang pamangkin. Dininig na naman ng Diyos ang kaniyang dasal, sa loob-loob niya.
“Mabuti’t dumating ka nang mas maaga, Zoren,” masayang sabi niya sa 28 anyos na pamangkin matapos nitong magmano. “Matutulungan mo ‘ko sa pag-aayos sa kapilya.” Taunang pista kasi sa darating na Linggo ng paborito niyang santo, si San Lorenzo Ruiz.

Nag-iisang anak si Zoren ng Ate Linda niya at ng asawa nitong si Martin. Parang anak na rin ang turing niya rito. Isang beses sa isang buwan kung dalawin siya nito. Itinatapat sa huling Sabado’t Linggo ng buwan. Ngunit ngayon, gabi pa lamang ng Huwebes, narito na si Zoren, at marami pang bitbit -- mga pagkain at mga galon ng tubig na binili mula sa plasa. Mabuti na lang at malapit lang sa kalsada ang bahay niya. Madali lakarin pagbaba ng tricycle.
“Nag-off ho ako sa trabaho, Tita, para matulungan kayo sa paghahanda sa bagyo.” Inilapag nito ang mga pinamili sa mesa. “Sabi ni Mommy dalhan ko raw ho kayo ng mga supply, baka magkaubusan daw kasi. Malakas daw ho ang bagyo. Parang Rosing daw ho.” Si Rosing ang pinakamalakas na bagyong sumalanta sa lalawigan nila noong taong 1995.
“Salamat, iho, pero ‘wag mong intindihin ‘yang bagyo, lilihis ‘yan. Araw-araw din akong nagdarasal kay Impong Maria. Kasama ko pa nga sina Mercy, Sandra, at Rosa,” mga kababata niya, at kalauna’y naging mga kapanalig. “Makikita mo sa Linggo, magiging maaraw.”
Maraming dahilan si Aling Teresa kung bakit hindi matinag-tinag ang kaniyang pananampalataya sa Diyos. Para sa kaniya, isa siyang pinagpala.

BATA pa si Teresa nang matuklasan niya ang bisa ng dasal,  matapos siyang turuan ng kaniyang ina na isang guro. Halos lahat ng maliliit na bagay na idinulog niya sa Diyos ay natutugunan.
Naaalala niya pa noon, kapag nalilimutan niya ang kaniyang baon, nagdarasal siya na sana ay huwag siyang magutom. Natataon namang may ekstrang pagkain ang mga kaklase niya at siya’y hahatian. Para bang hindi siya pinababayaan ng Panginoon. Sabi ng nanay niya, ginagabayan daw siya ng mga anghel.
Kapag may gamit siyang nawawala, maliit man o malaki, ay milagrong naibabalik sa kaniya. Mula laruan, bolpen, libro, hanggang sa pitaka, himalang naisosoli sa kaniya. Mabait daw kasi siyang bata, sabi naman ng ama niyang panadero. Naaalala pa niya, madalas sila ng Ate Linda niya sa bakery ng tatay nila sa liwasan lalo na kapag Sabado’t Linggo.
Akala niya noong una ay nagkataon lang ang lahat. Ngunit isang hapon ng Sabado, habang nakatao sila ng Ate Linda niya sa bakery, napansin nilang umaapoy ang hurnahan. Nagsisigaw ang Ate Linda niya. Ngunit nanatili siyang kalmado. Nagdasal siya sa isip: sana sa gitna ng pagkataranta, ay bigyan sila ng Diyos ng liwanag ng isipan upang malaman kung paano nila matutupok ang unti-unting paglaki ng apoy. Parang nahimasmasan ang Ate Linda niya -- nang makita ang isang balde ng tubig, dinampot ito at binuhusan ang hurnahan. Biglang-bigla ang pagpawi ng apoy. Mistulang kandila na hinipan ng malakas na hangin.
Labis ang pag-aalala ng mga mga magulang nila nang malaman ng mga ito ang nangyari. Buti na lamang daw at walang nangyaring masama sa kanila. “Pero ‘Tay, pa’no na ho ‘yung bakery? Magagamit pa ho ba yung hurnahan?” tanong noon ng Ate Linda niya.
Nagkatinginan ang mga magulang nila, tapos ay napabuntung-hininga ang kanilang ama. “H‘wag n’yong intindihin ‘yon; ang mahalaga ay ‘di kayo napahamak.”
Sa murang edad ni Teresa, batid niyang malaking pagkalugi ang pagkasira ng hurnahan. Kung paanong mapapalitan iyon, hindi niya alam. Kaya nang gabi ring iyon, nagdasal si Teresa. Sana’y bigyan ng Panginoon ng katatagan ang kaniyang ama upang hindi ito panghinaan ng loob, at maipagpatuloy ang negosyo.
Wala pang isang linggo, nakakuha ang tatay nila ng mas bagong hurnahan. Inutang daw ang puhunan at maaaring bayaran sa loob ng isang taon..
Hindi makapaniwala si Teresa sa mga nangyayari, ngunit sinarili lang niya ang lahat.
Kung anong bagal ng pag-unlad ng lugar nila, ay siya namang bilis ng paglago ng kanilang negosyo. Anim na buwan lang ang nakalipas ay nabayaran ng tatay nila ang inutang. Kaya naman hindi rin naging problema ang pangmatrikula ng Ate Linda niya nang magdesisyon ito na magkolehiyo sa Maynila. Nasa unang taon naman ng haiskul si Teresa noon. Sinabihan din siya ng mga magulang na kung balak niyang magkolehiyo sa siyudad, wala raw magiging problema sa pera. Ngunit mas gusto niyang manatili sa lalawigan.
Nasa ikatlong taon ng haiskul siya nang minsang ginabi silang magkakaklase pauwi mula sa isang field trip. Naharang ng mga militar ang sinasakyan nila at sila’y pinababa. Takot na takot sila. Nag-iyakan pa ang iba at nagmakaawang huwag silang hulihin. May kung anong bumulong kay Teresa, at sa gitna ng kaguluhan, siya’y lumuhod, pinagdaop ang mga palad at nanalangin sa Maykapal. Sana ay makadama ng habag at pang-unawa ang mga sundalo, dasal niya. Tila huminto ang oras. Napansin niyang natigilan ang lahat, nakatitig sa kaniya. Tila binalutan ng hiwaga ang mga sundalo. Kumalma ang mga ito -- at sa diretsahang pakikipag-usap, pinalaya sila. Labis-labis ang pasasalamat nila sa mga ito. Hindi naman makipaniwala ang mga kaklase at kaibigan niya sa nasaksihang pangyayari.
Usap-usapan ang nangyari kinabukasan. Bida si Teresa. Kung hindi raw sa kaniyang dasal, malamang daw ay nasa kulungan sila. Kumalat maging sa mga kanugnog-lugar ang nangyari. Siguro raw ay lahat ng dasal niya at nasasakatuparan.
Mula noon ay binansagan siyang “Ang Pinagpala.”
Tuwing may misa sa bayan, laging iniimbitahan si Teresa na maging isa sa mga taga-basa ng salita ng Diyos. Tuwang-tuwa ang mga magulang niya, lalo na’t pansin ng mga ito na masaya siya sa kaniyang ginagawa. Nang lumaon, kapag may petisyon o hiling ang mga kapitbahay nila, sa kaniya laging ipinadadaan.
Ipagdarasal ko ho ang kalusugan ng inyong anak, Aling Maring.
H’wag ho kayong mag-alala Mang Tomas, isasama ko sa panalangin ang inyong trabaho.
Rosa, magiging masaya ang inyong relasyon niyo ni Julio, magtiwala ka sa Panginoon.
Hindi naging maramot si Teresa; hanggat kaya niyang ipagdasal ang mga ito, ginagawa niya. Halos lahat naman ng ipinagdarasal niya, ay nasasagot ng Diyos.
Nang magkolehiyo siya, nagdesisyon siyang sa pinakamalapit na kolehiyo mag-aral. Ang Ate Linda naman niya ay nagta-trabaho na sa isang bangko, at padalaw-dalaw sa kanila kasama ang nobyong si Martin.
Nais niyang paunlarin ang negosyo kaya’t kumuha siya ng kursong Business Administration. Ayaw niyang mapalayo sa mga magulang dahil tumatanda na ang mga ito at kailangan ng makakatulong. Nang magpakasal ang Ate Linda niya at si Martin, sa Maynila napagdesisyunan ng mga ito na manirahan. Isa lang ang hiling ng mga magulang nila: sana ay magkaapo agad sila.
Ngunit hirap magkaanak ang Ate Linda niya. Nagsayaw na sa Obando, ngunit hindi pa rin pinalad. Naikuwento ng mga ito na nawawalan na raw sila ng pag-asa na magkakaanak pa. Nangako si Teresa na ipagdarasal niya ang mga ito. Araw-araw sa loob ng dalawang linggo. Makalipas no’n ay masayang ibinalita ng kaniyang Ate ang pagkabuntis nito. Si Zoren nga ang naging supling, hinango ang pangalan kay San Lorenzo. Tuwang-tuwa silang lahat lalo na ang mga magulang nila. Kahit paano’y nasulyapan ng mga ito ang apo, bago magkasunod na pumanaw noong apat na taon si Zoren.
Naipamana kay Teresa ang bahay, pati na rin ang bakery na pinangalanan niyang Dela Niño. Dumami ang mga tauhan niya, at lumago ang negosyo. Ipinaayos niya ang bahay. Nagpatayo rin siya ng maliit na bodega sa likod ng tinitirhan upang doon itago ang mga alaala ng mga yumaong mga magulang. Wala ring patid ang pagbibigay niya ng donasyon sa simbahan. Kaya naman sa kaniya rin ipinamahala ang maliit na kapilya sa ibaba ng lambak kung saan siya naninirahan ngayon. Taun-taon, pansamantala niyang sinasara ang kaniyang negosyo upang mapagtuunang ang pista ni San Lorenzo.

UMAGA pa lamang kinabukasan ay marami na’ng nagawa si Aling Teresa. Kagagaling lang niya sa pamamalengke. Natutuwa siya’t nakumpleto pa rin niya ang mga dapat bilhin kahit na bali-balita na nagkakaubusan na raw ng mga produkto. Ang lakas niya talaga sa Panginoon.
Maging si Zoren ay abala na rin sa pag-aayos. Matapos mag-almusal, pinagtibay niya ang bubong ng bahay. Ipinako ang mga nag-aalsahang yero upang hindi liparin ng hangin, at siniguro ring walang butas ang mga ito. Maging ang maliit na bodega sa likod-bahay ay inasikaso rin niya at tiniyak na walang makakalas kung humagupit ang malakas na hangin.
Pailing-iling si Aling Teresa. “Zoren, masyado mong pinapagod ang sarili mo, iho. Lilihis naman ang bagyo, magtiwala ka. Dumaan ako sa bayan kanina’t nag-alay na ng kandila.”
Ngunit makulimlim at maulap na ang panahon. Nagbabadya ang sigwa mula sa silangan.
“Hindi n’yo ho ba kakanselin ang padasal?” tanong ni Zoren.
“Ay hindi!” matigas ang pagtanggi ni Aling Teresa. “Nasabihan ko na sina Mercy, Sandra, at Rosa. Maging sila ay malakas ang pananampalataya na hindi tatama sa ‘tin ang bagyo. Kung bumuhos man ang ulan, mahina lang.”
Nagsimulang umambon bago magtanghali. Lumakas ang ihip ng hangin na may kasamang pagkulog. Ang ambon ay naging ulan. Hapon nang tuluyang bumagyo. Dumilim ang paligid, nagmistulang gabi. Sunod-sunod na rin ang pagkulog at pagkidlat.
Nagdesisyon si Aling Teresa. Isa-isa niyang inilabas ang mga larawan ni San Lorenzo Ruiz upang dalhin sa kapilya. Naglabas din siya ng replika ng Sto. Niño at Impong Maria. Kailangan niyang paigtingin ang kaniyang dasal upang tumila agad ang ulan. “Zoren, iho, pakitulungan mo nga ako dito, at dalhin natin sa kapilya.”
Hindi makapaniwala si Zoren sa narinig. Mino-monitor niya kasi ang bagyo sa facebook, at sa iba’t-ibang social media hangga’t may koneksiyon pa. “Itutuloy n’yo pa rin ho ang pag-aayos sa kapilya, Tita? Sobrang lakas na ho ng ulan, baka wala na rin hong magpuntahan.”
“Tinext ko na ang mga kadeboto ko, pupunta raw sila kung pupunta ako. Hindi lang naman para sa pista ito, para rin sa kapakanan ng mga kabaranggay natin.”
Walang masabi si Zoren. Bantulot man, kumuha siya ng kapote at bota. Isinilid niya sa plastic bag ang mga larawan at mga replika ng santo. May naisip siyang gawin na labag sa kaniyang kalooban ngunit kinakailangan. Paglabas, palihim siyang lumigid sa likod-bahay at pansamantalang itinago sa bodega ang mga bitbit na replika ng mga santo. Matapos ay sinuong niya ang maputik na daan pababa sa kapilya. Buo na ang kaniyang desisyon: sasabihan niya ang mga tao na hindi na matutuloy ang padasal sa kapilya.

LUMALALIM na ang gabi na at wala pa si Zoren. Nag-aalala si Aling Teresa. Ano kaya’ng nangyari sa kaniyang pamangkin? Sa kapilya lang naman ito nagpunta.
Ang mga nakatutulilig na sipol ng malakas na hangin; ang walang tigil na pagbayo ng  tubig-bagyo sa bubong at bintana; ang pagliparan ng mga yero, basura, at lagas na dahon; at ang pagwasiwas ng mga sanga ng mga punong-kahoy, ay nakadagdag sa kaniyang takot. Delikado sa labas. Nasaan si Zoren? Humarap siya sa altar, lumuhod, at nagrosaryo.
Samantala, nagmamadali sa paglalakad si Zoren. Maputik at madulas ang paitaas ng lambak pabalik sa bahay ng tiyahin niya. Rumaragasa pa rin ang bagyo. Pahalang ang pagbuhos, sumasabay sa malakas na hangin. Parang mga karayom na sumasapul sa kaniyang mukha.
Ilang oras ba siyang nasa labas pagkagaling niya sa kapilya? Hindi niya namalayan. Paano niya ipaliliwanag sa kaniyang Tita Teresa ang kaniyang mga ginawa? Paano kung humina nga ang bagyo at biglang umaraw bukas? May magsipuntahan kaya? Ayaw niya muna isipin iyon. Kailangan muna niyang makauwi, tiyak na nag-aalala ang kaniyang tita. Tinahak niya ang daan paitaas sa lambak tungo sa tahanan ng kaniyang tiyahin.

“SA’N ka ba nanggaling, iho, nag-aalala ako!” Napahangos si Aling Teresa kay Zoren nang makauwi ito. “Nailagay mo ba sa kapilya ang mga santo?”
“O-Opo, Tita.” sabi ni Zoren. Hinubad ang suot na kapote at bota, bago tuluyang pumasok sa loob. Hindi masalubong ang tingin ng tiyahin. “Lumigid ho ako sa ibang daan, masyado hong maputik at masukal pabalik dito. Andami hong nagliliparang yero.”
“Santisima!” Napakrus si Aling Teresa. “Mabuti’t hindi ka napahamak!”
“Okey lang ho ako, Tita,” sabi ni Zoren. “Pero parang babahain ho ang kapilya. Mukhang tuloy-tuloy ho ang bagyo hanggang bukas.”
Hindi natitinag si Aling Teresa. Magdarasal siya. Hihiling siya ng himala. Alam niyang diringgin siya ng Diyos. Nagpakita siya ng isang maunawaing ngiti kay Zoren. “Iho, hihina ang bagyo, makikita mo.”
Ngunit kasabay niyon ay ang sunod-sunod na pagkidlat at pagdagundong ng mga kulog. Dumilim ang buong kabahayan, pati na rin ang buong kapaligiran. Nawalan ng kuryente.

NAGMUMUNI-MUNI si Aling Teresa kinabukasan ng umaga. Wala pa rin kasing patid ang pagbuhos ng ulan. Hindi pa rin ligtas lumabas ng bahay. Tama ang prediksyon ng kaniyang pamangkin. Natitiyak din niyang babahain ang kapilya. Tila yata nagbingi-bingihan ang Panginoon at hindi dininig ang kaniyang dasal.
Wala pa ring kuryente. Paputol-putol din ang signal ng cellphone. Masakit at labag man sa kaniyang kalooban, nagpasya siyang mas makabubuting hindi na ituloy ang padasal.
Napailing siya. Mapapahiya siya sa kaniyang mga kapanalig dahil tila nawalan ng bisa ang kaniyang panalangin. Hindi na bale -- ang mahalaga ay maipaalam sa mga ito ang desisyon niya. Isa lamang ang pinoproblema niya: paano malalaman ng mga kaibigan niya at mga kadeboto ang kaniyang desisyon kung hindi magamit ang telepono? Alam ng mga ito na tuloy pa rin ang padasal. Kaawa-awa ang magiging kalagayan nila kung magsipuntahan pa sila sa kapilya.
Napabuntung-hininga si Aling Teresa. Isa ba itong pagsubok ng Diyos? Handa siyang patunayan ang kaniyang pananampalataya. Handa siyang magdusa at hinding-hindi niya itatakwil ang relihiyon, tulad ng ginawa ni San Lorenzo. Kung kinakailangan niyang bumaba ng lambak, gagawin niya, upang hindi na mapahamak ang mga kapanalig.
Nagtaka si Zoren nang makita ang tiyahin na gumagayak. “Tita, lalabas po kayo? Ang lakas pa ho ng ulan.”
“Oo, iho. Walang kasing signal ang cellphone. Kailangan kong masabihan ang mga tao na hindi matutuloy ang padasal bukas.”
Hindi mapakali si Zoren. Batid niyang hindi paaawat ang tiyahin. Labis-labis ang  pananampalataya nito na walang mangyayaring masama, at naniniwala itong gagabayan ng Espiritu Santo. Aaminin na sana ni Zoren ang kaniyang mga ginawa kinagabihan upang mapigilan ang tiyahin, ngunit may naulinigan silang ingay sa labas. Nang buksan nila ang pinto, tumambad sa kanila ang humigit-kumulang dalawampu’t-limang katao na nakatayo sa labas, sa gitna ng malakas na ulan. May limang pamilya ang nasa labas, kabilang ang mga kadeboto ni Aling Teresa.
“Mercy! Sandra! Ano’ng…?” Tuliro si Aling Teresa. Basâ ang mga ito, maging ang mga pamilya nila. “Naku, pumasok kayo rito’t, kawawa naman ang mga bata, basambasâ!”
Nang makapasok ang mga ito at mapanatag, ikinuwento ng mga ito na inililikas na pala ang mga pamilyang nakatira sa mababang lugar. Sa isang pampublikong eskuwela raw pansamantalang ititira ang mga ito. Naisip lang daw muna ng mga ito dumaan kina Aling Teresa.
Nang pagkakataong iyon, sinabi rin ni Aling Teresa ang nasa isip niya. “Mabuti’t naparito kayo, pupuntahan ko nga sana kayo para sabihan na hindi na tuloy ang padasal.”
“Nasabihan na kami ni Zoren kagabi,” si Aling Rosa ang nagsalita. “Mabuti nga at dumating ang pamangkin mo, Teresa. Natulungan din niya kami na ilagay ang mga gamit namin sa second floor. Alam mo naman si Julio, medyo mahina na.”
“Si Zoren din ang nagsabing maaari kaming tumuloy dito kung hindi tumila ang bagyo.” sabi naman ni Aling Sandra.
Gulantang si Aling Teresa sa narinig. Diyata’t pinangunahan siya ni Zoren sa pagdedesisyon. Ngunit bakit hindi niya maramdaman na sinuway siya nito? Maituturing bang pagsuway ang ginawa ni Zoren? Napatingin siya sa pamangkin na noo’y pinupunasan ang mga bata upang mapatuyo ang mga ito. Bagkus, ikinagalak niya pa ang pagiging responsable at ang kabuuan ng kalooban nito. Napangiti siya.
“Kung wala si Zoren kagabi, mahihirapan kaming magsalba ng mga gamit.” sabi naman ng isang amain na may apat na batang anak.
“Pinagpala ka talaga, Teresa. Maging mga kamag-anak mo mababait at maaasahan.” sabi ulit ni Aling Mercy.
Ang mga sinambit ng mga kaibigan ay isang paalala sa kaniyang saglit na pagdududa. Kani-kanina lang, iniisip niyang hindi na siya pinakikinggan ng Diyos. Bigla, naunawaan niya ang lahat: hindi pala lahat ng ipinagdarasal ay nakakamit sa paraang tugma sa limitadong pang-unawa; sapagkat minsan, ang himala ay ibinibigay bago pa man ito hilingin. Siya ay isa pa ring pinagpala, at ang pamangkin niya ang sagisag ng kaniyang pananampalataya -- ang himala sa gitna ng unos. Ginamit ng Diyos si Zoren -- ipinadala sa kanila nang mas maaga, upang itama ang lumilihis niyang paniniwala, at upang tulungan sila sa kanilang pangangailangan.
“Alam mo, Teresa, p’wede pa rin nating ituloy ang padasal…” suhestiyon ni Aling Rosa. “Iyon nga lang, dito natin gagawin, hangga’t hindi pa kami nakakalipat sa eskuwelahan...”
Pinaboran iyon ng lahat, na ikinagalak naman ni Aling Teresa.
Narinig iyon ni Zoren, at nagkusa na ito. “Kukunin ko po ‘yung mga santo, Tita.”
Hindi alam ni Aling Teresa kung paano gagawin iyon ni Zoren, ngunit hindi na siya nagtanong pa. Buo ang tiwala niya sa pamangkin.
“Dito na kayong lahat mananghalian, Rosa,” sabi ni Aling Teresa. “May mga pinamalengke ako kahapon.”
“Kakasya ba sa ‘ting lahat iyon?” tanong ni Aling Rosa, matapos lingunin ang mga kasamahan. Kulang-kulang tatlumpu silang lahat, ngunit sa pagsisiksikan nila sa bahay ni Aling Teresa, para silang libu-libo.
“H’wag kang mag-alala, Rosa, hindi tayo mauubusan.” Ang mirakulo ng pagpapakain ni Hesus ng limang libong katao ang nasa isip ni Teresa. Tiwala siyang lahat sila ay mabubusog.
Katulong ang mga kaibigan, naghanda sila sa kusina habang inaayos ni Zoren ang altar. Pinagsasaluhan nilang lahat ang mga niluto nila, at mayroon pang natira. Napagdesisyunan nilang tutulong din sila sa mga naapektuhan ng bagyo pagkatapos ng padasal.

Pinagmasdan ni Aling Teresa ang buong kabahayan. Puno ito ng mga tao. Napangiti siya. Isa siyang pinagpala, at hindi siya nag-iisa. --0

No comments: